Skip navigation

Unang-una nagpapasalamat ako sa Diyos at hindi naapektuhan ng malala ang mga miyembro ng aming pamilya. Mabuti na lang at safe kami halos. Salamat din at hindi lahat ay naapektuhan ng matinding baha. Kaya sa ating mga hindi nasalanta ng bagyong Ondoy, kung ano ang maitutulong natin ay gawin na. Mag-donate ng mga damit o pagkain sa pinakamalapit na pwedeng pagdalhan ng tulong.

Pangalawa, huwag kayong magkalat! Gamitin ang basurahan! Nakakalungkot isipin na kailangan pang umabot sa ganito bago tayo matauhan sa mga maling gawain natin. Anong kamalian ‘yon ‘kaniyo? Yung simpleng pagkakalat sa kalsada, pagtatapon ng  balot ng kendi at kung anu-ano pang kalat na maaari namang itapon sa basurahan. Kung nasa jip ka at may basurahan, ipaabot sa mga katabi para maitapon ng maayos. Kung nahihiya kang ipaabot, hawakan o itago muna sa bag at sa pagbaba ng jip ay itapon sa pinaka-unang basurahan na makita.

Sa mga taong matagal-tagal na ring hindi na nagtatapon ng kalat sa kalsada atbp ay ipagpatuloy natin ito. At kung hindi pa rin tayo marunong maghiwalay ng basura sa nabubulok at hindi nabubulok ay dapat na nating simulan. Sanayan lang daw yan eh.

Nagtext-text ako kagabi tungkol sa pagdumi ng ating katubigan dahil sa mga walang pakialam na mga tao. Na hinintay pa nating umabot sa ganitong sitwasyon bago natin maisip na mali ang mga ginagawa. Sa malas hindi ko napansin naubos na pala ang load ko kaya hindi ko naikalat sa lahat. Hopefully yung mga napadalhan ko ay ipinasa din nila sa iba kahit papa’no. Marahil ang iba ay hindi pa rin alam kung bakit madumi ang tubig baha at bakit nga ba mabagal bumaba ang tubig baha. Dahil yun sa walang pakundangan na pagkakalat niyo. (Pwede ring dahil sa may tatlong bagyo na rin ang dumaan bago dumating si Ondoy kaya hindi na kayang sipsipin ng lupa ang lahat ng tubig na ibinuhos ni Ondoy.)

Oo madaling magturo ng daliri kung sino ang mga taong nagtatapon ng basura sa kalsada at dumudura na lang kung saan-saan dahil madami kayo. Sinasabi kong kayo, dahil ako, hindi ko na maalala yung huling beses na nagtapon ako sa kalsada o nagkalat kung saan man. Ibig sabihin matagal na bago ko ginawa iyon. Ibig sabihin tinititigan ko yung mga taong nagkakalat sa kalsada pag nakakita ako.  Lalo na kung katapat ko sa loob ng jip? Aba talagang tinititigan ko sa mata pagkatapos niyang magtapon nun. Hindi ako war-freak para mang-away kaya tinitingnan ko na lang mata sa mata bilang pagtitimpi sa maaring masabi ko.

Pangatlo, salamat sa media dahil kung hindi sa kanila ay di natin malalaman ang mga nangyayari sa kapaligiran. Kahapon, kagabi at kaninang umaga ay nakinig ako ng balita sa radyo dahil yun lang naman ang meron ako at ayaw ko maki-usyoso sa TV ng may TV.

Doon ko nalaman ang malalang kalagayan ng iba nating kababayan sa Cainta, Antipolo at Marikina. 100% daw na nalubog sa tubig ang Cainta at Antipolo kung ‘di ako nagkakamali. Bakit? Kase may mga umapaw na ilog/creek. Pero ang masama nun hindi malinis ang tubig baha.

Mabalik na naman ako dun sa ugali ng karamihan sa atin na “kalat dito kalat doon”. Akala niyo walang masamang dulot yun pero meron! Maano bang hawakan muna at itago ang basura kapag walang basurahan? Matuto naman kayong disiplinahin ang sarili niyo, pati mga anak, pamangkin, kapatid at iba pang kasambahay para hindi tayo inaabot ng malalang perhuwisyo. Kaya tigilan na ang katigasan ng ulo at gamitin ang mga basurahan at huwag ang kalsada o bangketa at iba pa. Wag magkalat!

Yun lang naman eh. Ganun lang sana kasimple pero pinapahirapan pa.

Pang-apat, mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa mga bagay. Alam naman nating mahirap iwanan ang mga kagamitan lalo na kung yun lang ang meron tayo. Pero kung yung buhay niyo at buhay ng iba ang ilalagay niyo sa kapahamakan dahil matigas ang ulo niyo aba sana matauhan na kayo. Ang tinutukoy ko ay yung mga bumalik pa para balikan ang mga gamit sa mga binahang bahay. Narinig ko na yung mga bumalik ay hindi na nakaalis dahil sa tumaas bigla ang tubig baha. So napahamak pa kayo at nabasa at gininaw imbes na safe kayo somewhere kahit wala kayong nakuhang gamit.

Nakita ko kanina nang nakasakay ako ng jeep na nakatigil sa gasolinahan, isang pamilya ang bumaba galing sa humintong fx. Unang bumaba ang isang lalaki, na kataka-takang nakayapak! Nasa edad bente pataas siguro siya at may dalang backpack. Pagkababa ay inalalayan niya ang batang lalaki, marahil anak niya, na mukhang nasa edad na pito o walo. Sumunod na bumaba ang medyo nanginginig ang mga binti na asawa niyang may dalang sanggol. Nakayapak silang lahat. Ibig sabihin galing marahil sila sa mga nailigtas o mga taong lumikas dahil sa baha. Pagkababa nila sa fx ay hindi nila ininda ang pagtawid sa kabilang kalsada at paglakad ng nakayapak lamang dahil kahit papa’no ay buhay sila. Mararamdaman mo sa kanila na higit sa lahat,  iyon ang mahalaga, na nabuhay sila at ligtas sa kung anumang nangyari kahapon.

Sa oras ng kagipitan, hindi naman mahalaga kung ga’no kadaming gamit ang meron ka. Kung ano ang kaya o mahalagang dalhin ayos na iyon. Ang mahalaga ay yung buhay ang mga tao dahil magkakaroon pa rin ng tsansang magkaroon ng mga kagamitan o kasangkapang nawala sa hinaharap.

Pang-lima, huwag nating kalimutan ang Diyos. Marahil dapat ding magsilbing paalala ito na hindi lang sa oras ng sakuna o kagipitan tayo dapat tumawag sa ating Panginoon. Matuto din tayong magsimba kahit papa’no upang magbigay pugay sa kanya at magpasalamat sa mga biyayang natanggap at tatanggapin pa natin.

At panghuli, nawa’y pag-isipan nating mabuti at pagnilayan kung ano’ng dapat matutunan sa nangyaring ito. Huwag nating isisi sa gobyerno ang lahat. Maraming tao ang nasalanta kaya hindi agad nailigtas ang iba. May mga matigas din ang ulo kaya kinailangan pang iligtas. Sa mga ganitong pagkakataon kailangan lagi tayong alerto habang wala pang dumarating na saklolo. Kung kaya nating tumulong ay tulungan lahat ng pwedeng tulungan.

Ang ganitong uri ng sakuna ay hindi pagkakataon para kumita ng pera kaya kung anong maitutulong ninyo ay sana bukas-palad at buong puso niyong ibigay sa mga nangangailangan.

Sa mga hindi pa nakaka-alam kung paano mag-donate narito ang ilang link na pwede niyong pagkunan ng impormasyon.

>> Places to donate relief goods. <<

>> Where/How to donate <<

>> Emergency/Disaster hotlines <<

Sana may matutunan tayong lahat sa pangyayaring ito.

Advertisements

Reply here

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: